Naaalala ko pa nang bata ka…
Ang iyong iyak, tanging ako ang tiga-tahan
Sa iyong pagtulog, sa bisig ko naka-unan
Ang iyong ngiti, parang akin lamang.
Mabuti pa noong bata ka…
Sa aking paglisan, humahabol ka
Ang tinig ng aking boses sa iyo’y nagibibigay sigla
Sa bawat kwento at bilin ko, ika’y natutuwa
Ngayon ika’y nagdadalaga na…
Sa aking wika ika’y minsa’y nagbibingi-bingihan
Tila humahanap ng ibang kakuwentuhan
Ang aking pagkalinga’y di mo na maintindihan
Ngayong ako ay tumatanda na…
Ang iyong pagka-bata akin nang sinasariwa
Ang aking pagdadalaga pilit kong inaalala
Nang maintindihan at patuloy kang bigyang kalinga
Sa iyong pagtanda at pagyakap sa kasarinlan…
Tandaan mo sana ang panahon na nagdaan
Payagan mong minsan humimlay sa aking kandungan
Kailanganin kita, kahit di mo na ako kailangan
naalala ko pa nang ikaw ay lider-kabataan
matalino, mapagtanong, malikhain, masayahin,
mapagpalaya at di pasusupil.
uminog ang panahon
dumaaan ang sari-sari at kung anu-anong usapin
sa iglesia, lipunan at daigdig na kinabibilangan
di mo iniwan ag pagiging kabataan
matalino, mapagtanong, malikhain , masayahin
mapagpalaya at di pasususpil.
at sa iyong pagtuklas ng maraming kaalaman
sa pagwasiwas, pagtapon sa teolohiyang hungkag at walang laman
di mo iyan ikinubli kay lauren ngayon na tumatahak ng sariling daan
ang pagiging ina nga ay pagiging ina sa anak, at pagiging ina sa sarili
mabilis ang panahon madalas na kasabihan
di man habulin palaging nandyan nyang katangian
di masasayang ang oras at panahon
sa bawat paggugol na alay sa mas matinong lipunan kaysa ngayon.
Kung ang paglaki nga ay mangangahulugan
Ng paghihiwalay na di nais kailanman
Di ko na nanaising ikaw ay lumaki
Upang sa aking tabi di ka mawaksi.
Ngunit paglaki ay sadyang nakaguhit
Sa buhay na hindi ipinagkait
Kaya’t paghihiwalay man ay di maiwasan
Nanaisin kong patuloy mong matuklasan
Pagmamahal sa iyo kailanman ay dalisay
Maging sa pagtahak sa sariling buhay
Wagas na pagmamahal kailanman laging nakalaan
Sapagkat aking sinapupunan iyong pinagmulan.