Uncategorized

Dibdiban

Bakit ba kapag nagpapakadalubhasa ka sa pagaaral
Ang tawag ay dibdiban?
Bakit ba kapag gusto magpakita ng kalakasan ang macho
Ang isa pang lalaki ay di-dibdiban?
Pero bakit kapag ang babae ay tunay na may dibdib na
Umuusbong sa kanyang katawan
Ang tumatakbo sa isip natin ay siya ay may kahalayan at kasalanan?

Bakit ang lalaki kapag may umuumbok sa kanyang katawan
Hindi natin hinuhusgahan, bagkus siya ay hinahangaan
Hindi naisasakatawan ang kanyang kahinaan at kasalanan
Kahit pa ano ang kanyang anyo siya ay malaya sa kanyang katawan.

Kapag ang babae’y nagdadalaga, nagi-iba ang kanyang anyo
Ang dating derecho ay nagkakaron ng mga laman at disenyo
Ang kanyang pagbabago ay halos parang paru-paro
Tila siya’y nagkakaron ng kulay at pakpak na kayang lumipad ng malayo

Sa darating pang panahon ang pagbabago ay sa buo na niyang pagkatao
Yayakapin ba ang paglago o isesekreto ang umusbong na suso
Siya ba ay makukuba at itatanggi ang handog ng Manlilikha
O haharapin ang kinabukasan na buong-buo at may paghahanda.

Ang suso ay may iba’t-ibang anyo katulad ng mukha ng tao
Bahagi ng kabuuan, ngunit di batayan ng tunay na pagkatao
Ang babae ay may ganda, may tula, awit at angking galing
Hindi siya isang manyika na sinisipat ang itsura at isa lamang pang-aliw.

Ang gusto lang naman sabihin, katawan namin ay amin
Bigyang kalayaan isakatuparan ang damdamin at pagiging malikhain
Maaaring ninyong masilayan ang kagandahan ng kaanyuan
Ngunit wag kalimutan kami’y kawangis ng Diyos,
at kamanlilikha ngayon at sa kinabukasan.

Ang tugon ni Diwata Norma Dollaga…

Amin din namang ipinagmamampuri
Ang matris at suso na sa amin ay katangi-tangi
Pagkat ang katiyakan ng salit-saling lahi
Katuparan na siyang minimtihi ng lipi.

Pero, wag ituring na ang katawan nami’y isang inidoro
O kaya naman basyong garapon
O latang sisidlan ng kung anuman
Tratuhin na ang aming matris ay ulilang lalagyan.

Ang aming sinapupunan at dibdib na taglay
Kailanman di nilkha para isuko sa nagdios-diosan
O ialay sa erotikong kaisipang saglit na walang ugnayan
Na sa lipunang macho, gagamitin sa kanilang paligsahan.

Dibdib nami’y bulkan na maalab
Sa pagpapasya ‘sing init ng Apoy ang taglay
Kung may umusbong na lipi sa sinapupunan
Dibdib din ang mag-aalay ng handog na kailangan.

Ang babae ay di lamang suso at matris
Balakang na may korte o leeg na matayog
Di lang siya bibig at buhok, kili-kili o talampakan
Siya ay kabuuan ng katawan, diwa at kaisipan.

Hmm…tiyak masarap yakapin ang katawan, diwa at isipan
Malaya sa pangamba, higanti, o parusa
Ng lipunang kinadena ng maling sistema .

Ang babaeng Malaya, dibdiban kung makibaka!

20121028-101548.jpg

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s