Uncategorized

Bakit Ba?

Bakit Ba?
Ang Unang Wika ng Babaylan ng Tula

Bakit ba parang ang daming mahihirap?
Dahil ba sila’y wala nang ginawa kungdi gumawa ng anak?
Dahil ba sila’y laman ng kalsada at tila lagi na lang gumagala?
Dahil ba nga ba sila’y nilikha ng Diyos na magulang nating lahat?

Bakit ba tila nasanay na tayo na may mga dukha?
Nasanay na sa mga batang naglalakad na may sakong puno ng basura.
Nasanay na sa demolisyon ng kanilang mga bahay sa gilid ng kalsada.
Nasanay at namanhid na sa pait at hirap na araw-araw nilang nadarama.

Hindi ko akalain na may kabutihan silang maituturo
nang minsang kong samahan sa isang payak na tindahan.
Umorder si Boy ng fried chicken at humingi ng sopas na kanyang isinabaw sa kanin.
Maya-maya ang manok ay isinupot na at iuuwi na lang daw –
“para sa mga kapatid na naghihintay sa’kin.”
Ang itlog na in-order kasama ang lugaw, ay ibubulsa na lang –
“Dagdag ulam sa ihahain ni Nanay.”

Mahilig tayo sa mga madudunong at nagi-ingles.
Mahilig tayo sa mayayaman na lalong yumayaman na burgis.
Mahilig tayo sa mga mestizo na maputi at may pangalang banyaga.
Pilit natin silang ginagaya – mula sa dilaw buhok hanggang sa kutis na maputla.

Kailan tayo magiging mapanuri? Kailan magtatanong kung tunay nga bang mabuti?
Na may mayaman na dios-diosan na akala mo’y boses at mukha ng sambayanan
Habang may mahirap na halos namumuhay na parang pusa,
nagkakalkal sa basura para sa kaunting barya.

Kung tutoong naniniwala tayo na ang Diyos ay magulang nating lahat,
Mangarap at kumilos tayo para isang sambayanan na may dignidad ang lahat.
Walang batang nakatapak na nagkakalkal sa basura
Walang mayaman na bilyon-bilyon ang pera
habang contractual ang kanyang mga manggagawa.

Ang Tugon Ni Diwata Norma Dollaga

Salamat, Babaylang Lizette Tapia-Raquel…

Sinasanay tayo ng lipunang paling
Kahirapan ay sanhi ng kakulangan ng galing
Ito ay sumpa, at parusa sa mga makasalanan
Bunga rin ng kakuparan o di kaya ng katamaran

Ang dukha sa ibang salita ay hampas lupa
Kung ituring ay ritaso o sa kaunlaran ay pampasira
Madaling pagbintangan ng sila ay magnanakaw
Habilin ng mga mata-pobre at walang modo sa buhay :
Basta taga “squatter,” huwag pagkakatiwalaan

Sa simbahan o sa pampublikong tagpuan
Ang mabango at malinis ayaw sa kanila ay makipagkamayan
Baka nga naman ang pawis nilang dukhang lumilikha ng yaman
Kumapit sa mga kamay ng mga amo at makapangyarihan.

Pero tama ka Babaylan, sa dinami-daming kwentong nasaksihan
Ang pag-ibig ng mga dukha minsan katumbas ng langit ang larawan
Paghahati-hatian maski ang pirasong tinapay
Na madalas ay tinatapon mula sa lamesa ng makapangyarihan.

Art by. Joey Velasco

20130409-131903.jpg

Advertisements

1 thought on “Bakit Ba?”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s