Uncategorized

Mga Batang Nangangalakal

Isang Repleksyon Tungkol sa Mga Batang Nangangalakal

Kanina lang umaga ko sila nakita
Ngunit ang hitsura nila ay nananatili sa aking ala-ala
Apat na magkakaibigang lalaki na malapit nang magbinata
Mukhang bagong ligo at may pupuntahan na mahalaga

Seryoso ang mga mukha nila na halos walang pinagkaiba
Sa aking binatang sakay ng kotse at papasok sa eskwela
May kanya kanyang dalang sako ang apat na handa mangalap ng itinapon ng iba
Habang ang aking binata ang nagmememorya para sa pagsusulit sa buong umaga.

Nakapagpahinga kaya sila kagabi na kasama ang buong pamilya?
Nabigyan kaya nila ng laman ang kumakalam nilang sikmura?
Gaano kaya kalayo ang nilakad nila mula sa kanilang mga tahanan?
Kumita kaya sila ng sapat sa kanilang mga pinagpaguran?

Kailan kaya sila huminto sa paga-aral?
Natutunan kaya nilang magbasa at sumulat ng kanilang mga pangalan?
Nangangarap pa kaya sila na makaahon sa kahirapan?
Tinatanong kaya nila ang Diyos kung bakit lugmok sila sa kahirapan?

Paano tayo nasanay sa ganitong kalalagayan?
Paanong naging tahimik sa pagdadamot ng makapangyarihan at mayaman?
Paano natin aabutin ang maralitang kabataan sa aba nilang kalagayan?
Paano ba natin bibigyan ng pag-asa ang pag-asa ng bayan?

Ang tugon ni Diwata Norma Dollaga…

Sa gitna ng aking paglalaba at pagluha, ito ang tugon ko…

Sa mga wangis ng mga batang katulad nila
Maaaninag ang talas ng kabaligtaran
Ng pagbibintang sa mga dukha’t gutom
Na sadyang tamad lang kaya palaboy-laboy.

Matalas ang mga mata nila sa pagtatangi
Ano ang basura at mga pwedi pang ipagbili
Mula sa dumi, kumikita sila at tiyak malinis ang budhi
Samantalang ngayong ding umaga bumulalalas sa pahayagan
Sanlaksang bahay at kotse ng korap sa pamahalaan.

Buhay nila ay ligalig sa araw man at sa gabi
At kung may pagsasaluhan man, tiyak ito ay kakaunti
Tahanan nila ay pirasong masisilungan
Malamang mabibilang pa sa planong demolisyon
Upang mabigyang daan ang pagtatayo ng kundominyum
O mga gusali ng sobra-sobra na ang kayamanan

Maaari natutunan nila ang magbasa at magsulat pati ang pagkuwenta
Matalas din ang memoria nila sa kung sino ang nag-aalipusta
Siguro may D(d)ios nga sila, ang D(d)ios ng basura, katulad ng iba ang D(d)ios ay pera
Ang kaibahan lamang sa basurang kinakalkal, palad nila’y kalakip ang Maykapal

Sinasanay ang tao na mamuhay ng manhid
Nang sistemang kakampi palagi ang mga ganid
Samantala ang may kaunting ginhawa kapag di matuwid
Tiyak na magsesermon lang, “magsikap lang kayo ay makakatawid.”

Hmmm, mga batang palaboy, mga pabaya ang magulang
Palaasa sa gobierno at umasta ay walang asal
Yan ang madalas na kutya ng mga naghahari-harian
Samantalang sa pawis ng magsasaka’t mangagawa sila nabubuhay.

Kailanman di masama ang maging basurero, at magkalkal ng kung anu-ano
Upang itawid ang kagutuman at minsan pa ay mamuhay sana bilang tao
Nguni’t ano itong nagbubulid upang tao at basura ay gawing magkahawig
Isang lipunan at sistemang dapat na ngang baguhin.

Photo by Johannes Flores Dayrit

20130817-093533.jpg

Advertisements

1 thought on “Mga Batang Nangangalakal”

  1. Marahil sa iyong mga agam-agam sa mga batang lansangan,
    Ay kabilang na ako roon sa aking nakaraan,
    Sapagka’t ako’y anak ng isang pastor na ang sahod ay salat at kulang
    Kaya napilitang akong mag-hanap buhay sa lansangan.
    Ako’y nanimot ng mga boto ng lanzones na pinag-supsopan
    Na pinu-pulot namin sa kung saan saan;
    Naglilimpya ako ng sapatos sa fiesta ng bayan,
    At nakakalimutan kumain ng agahan at tanghalian.

    Di ko insip na ako ay pulubi or dukha man,
    Kundi mahirap lang at di mayaman,
    At natutong tumingin sa buhay kong taglay,
    Kumaybot ka ngayon kung gusto mong mabuhay.
    Itong aking lagay sa aking isip
    Itinakda ng Panginoon sa hiwaga ng Kanyang kalooban
    Na talagang dito sa lupa ay may pinapagpala
    At may nalilintikan; O Diyos na ma-pagmahal,
    Bakit ganito ang aking kapalaran?

    Ng dumami ang NPA sa aming bayan,
    Takot at galit ako sa kanila sa kanilang karahasan,
    Ayaw mag-saka at mag-hanap buhay
    At pananakot at pangangaw
    Ang ginagawang kanap-buhay.
    Nguni’t nag-iba ang aking isip
    Ng ang aking mahal na pinsa ay sumama sa kanila
    Dahil sa kabila ng kanyang mga pag-pupunyagi
    Wala siyang makuhang hanap buhay.
    Walang jpa-kain sa mga anak at asawang mahal.

    Sa kanya ako natuto kung ano ang tunay na kalagayan
    Ng ating bayan maganda at mayaman,
    Na sa ating kalagitnaan ay mga taong sakim
    At makapangyarihan, na controladong lahat ang takbo ng buhay
    At sa kanilang kinaroroonan, patuloy
    Ang pag-agos ng ginto at kapangyarihan
    Dahil sa ang pag-pupunyagi sa paghahanap-buhay
    Ng buong bayan at tuloy tuloy lang sa kanilang
    kabang yaman.

    Ika niya, tayo’y waring mga kabayo lamang
    Na kanilang pinapakain at inaalagaan
    Upang hilahin ang kanilang mga kareton at karetela.
    At sa ating hirap at pagod sila yumayman,
    Tayo ay mistulang alipin na ang hantungan
    Ay hirap, dusa, lagim at kamatayan
    At walang pag-sa o kinabukasan.
    Ang pinakamabuti’y maghimagsik,
    Bawaiin ang ating kalayaan, bayan at yaman.

    Sa ganang akin, namutawi sa kanyang bibig
    Ang katunayan, ang tutuong ebangelyo
    Na magpapalaya sa bayan,
    At si Kristo ay dapat alisin sa damdana ng ating mga simbahan,
    At dalhin sa mga liwasan ng bayan
    Upang doon ang tunay na katarungan at katotohanan
    Ay mag-hari sa ating bayan.
    Huwag Diyos ang ating tawagan
    Kundi ang ating budhi at kaisipan
    Upang baguhin ang ating pagka-alipin,
    Lipulin ang mga pusakal
    At itatag ang maka-taong lipunan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s