BTR, hope, human sexuality, Old Testament, theology, women

Pangitain, Pakikibaka at Pagdiriwang

Isang dialogical keynote
Para sa Ecumenical Women’s Jubilee Conference 2013 ng NCCP

Ngayong umaga, bahagi tayo ng isang makasaysayang pagdiriwang. Sa gitna ng pagdadalamhati ng bansa dahil sa karahasan sa Zamboanga, sa pagkasira ng mga bahay at mga buhay sa Bohol, at sa napakasakit na karanasan ng napakarami nating kababayan dahil sa bagyong Yolanda, sandali nating alalahanin ang ating mga pinagtagumpayan, upang magbigay kalakasan sa bawat isa. Sa maraming nang naisulat tungkol sa kapanganakan ng mga bansa, mga kuwento ng mga bayani at mga rebolusyonaryo, mga parangal para sa mga nagtatag at nagpatibay ng mga iglesia, mas madalas sa hindi na ang bahagi ng mga kababaihan ay hindi binibigyan ng pagpapahalaga, at kung minsan nga’y hindi pa naaalala. Sa Bibliya nga, sa animnapu’t anim na libro, dadalawa lamang ang nakapangalan sa mga babae: ang Ruth at Esther. Sa maraming relasyon: bilang mag-asawa, bilang mga diakonesa at pastor sa iglesia, bilang kamanggagawa na babae at lalaki sa mga secular at relihiyosong mga institusyon, madalas natin’g hinihintay ang pagkilala ng mga kalalakihan sa ating mga kababaihan. Ngayong umaga, makasaysayan at makahulugan na tayo bilang mga kababaihan mula sa iba’t ibang iglesia, iba’t-ibang sektor ng pamayanan, at iba’t-ibang edad at antas sa lipunan, ay nagdiriwang hindi na ayon sa pamantayan ng mga kalalakihan kungdi ayon sa ating pakakahulugan sa ating buhay at ministeryo bilang mga babae sa gawain na pang-ekyumenical at lipunan. 

Tayong kababaihan ang kalahati ng lipunang Filipino. Hawak natin ang kalahati ng mundo. Kalahati tayo ng gumagawa ng yaman ng bansa, kalahati tayo ng pwersang magbabago ng mundo. Nararapat lamang na tayo ngayon ay magsama-sama’t magdiwang bilang kababaihang may sariling buhay at natatanging pangangailangan at karanasan

Sa mahabang panahon, ang kahalagahan ng mga babae, maging sa Bibliya, ay nakakabit sa pagkatao ng mga kalalakihan:
Kay Eba na ayon sa kuwento ay nanggaling sa tadyang ni Adan. Kahit na sa araw-araw ay alam natin na sa sinapupunan ng babae nabubuo ang isa pang tao, at tanging ang babae lamang ang nagluluwal ng tao at hindi kailanman nakakapanganak ang mga lalaki.
Kay Miriam na naaalala natin na kapatid ni Moises na hinirang upang maging bayani ng bayang Israel, samantalang nakakalimutan natin na tinawag si Miriam na propeta sa Exodo kung saan siya ay sumayaw matapos ang pagpapalaya sa mga dating alipin.
Kay Esther na naipagtanggol ang buhay at dignidad ng mga kababayan bilang reyna, habang siya ay nanatiling alipin ng isang hari at asawa na sinusukat ang kanyang pagkatao batay sa kanyang kagandahan at kakayanan na aliwin ang isang lalaki.
Kay Ruth na pinaniniwalaan natin na pinili ang tamang Diyos sa pagsama niya kay Naomi, samantalang iniwan niya ang kanyang sariling bayan at tuluyan nang kinalimutan ang kanyang pinanggalingan nang kanyang sinabing “Ang inyong bayan ang magiging aking bayan.”

Tayo ay nagdiriwang dahil sa ating kalagitnaan, sa limampung taon ng ekyumenical na pagkilos, ating naigpawan ang limitadong pagkilala at pagpapahalaga sa atin bilang mga babae.

Tayong kababaihan ay bahagi ng gumagawa ng kasaysayan.

Bago dumating ang mga Espanyol, mga babaylan ang ikatlong haligi ng mga sambayanang Pilipino. Sila ay nanggagamot, ang nagsasabi kung kelan magtatanim at mag-aani. Sila ang tulay ng tao sa mundo ng mga espiritu. Sila ang repositoryo ng kaalaman ng buong angkan. Inusig, pinaghuhuli’t pinagpapatay sila ng mga Kastilang mananakop.. Sila ay nag-alsa upang ipagtanggol ang komunal na pamumuhay ng kanilang pamayanan.

Patuloy nating nilababanan ang dayuhang pananakop.

Si Gabriela Silang, ang unang Heneralang Filipino. Pinamunuan niya ang hukbong naiwan ng asawang si Diego laban sa sobrang pagbubuwis ng mga Kastilang kolonyalista. Kabilang sa Katipunan si Agueda Kahabagan, ang tanging Henerala sa Hukbo ng Republika ng Tagalog, si Teresa Magbanua o Nay Isay, ang “Joan of Arc ng Bisaya”, si Trinidad Tecson, ang Ina ng Biyak na Bago. Nandiyan rin si Gregoria de Jesus, lakambini ng Katipunan.
Kabilang sa mga sundalong namatay sa pagtatanggol ng Pilipinas sa mananakop na mga Amerikano ay mga Filipinang nakadamit at nakagupit lalaki na ikinagulat ng mga Amerikanong sundalo.
Si Valentina Vidal ng Colorum at si Salud Algabre ng Sakdalista ay kabilang sa mga sa mga nag-alsang magsasaka dahil sa lupa sa panahon ng commonwealth.
Ang unang aksyong military na inilunsad ng Hukbalahap laban sa Hapon ay pinamunuan ni Felipa Culala alyas Kumander Dayang-Dayang.
Nandiyan rin sa Lorena Barros, ang tagapagtatag ng MAKIBAKA or Malayang Kilusang ng Bagong Kababaihan, na napilitang mamundok nang ideklara ni Marcos ang Batas Militar.
Hanggang sa kasalukuyan, tayong kababaihan ay nasa unahan pa rin ng maraming laban – para sa lupa para sa magsasaka, kontra-kontraktwalisasyon, para sa pagpapababa sa presyo ng bigas at iba pang bilihin, kontra-VAW, para sa pagbasura sa Visiting Forces Agreement ng US.

Ipinaglalaban natin ang mga isyu ng ating sector habang hinaharap ang ating mga isyu bilang babae sa isang lipunang malakolonya pa rin ng US kung saan ang ekonomya sa kalakhan at agraryo’t atrasado..

Ang tekstong pinagbatayan namin sa pagkilala sa naiambag ng mga kababaihan sa ekyumenical na pagkilos ay Hukom 4 hanggang 5. Isa itong kuwento kung paano ang isang babaeng propeta, hukom at mandirigma, na nangangalan ng Debora, ay kumilos upang palayain ang Israel mula sa dalawampung taong pangaapi ng Hari ng Hazor na si Jabin. Ang hukbo ni Haring Jabin, na pinangungunahan ni Sisera, ay may siyam na raang karwahe ng bakal at libo-libong mga kawal. Kung paano pinagtagumpay ng Diyos ang bayang Israel sa pamamagitan ni Debora ay isang patunay sa tatlong kalakasan ng mga babaeng matapat na tumugon sa ekumenikal na pagkilos. Ang tatlong kalakasan natin ay nakapaloob sa tatlong P -Pangitain, Pakikibaka at Pagdiriwang.

Pangitain
Ang pangitain ni Debora ay isang karunungan na bunga ng tatlong mga intentional na  mga hakbang: 
Una, Si Debora ay nagsuri sa kanilang kalagayan. Sa kanyang kaugalian na maupo sa ilalim ng palmera kung saan siya ay pinupuntahan ng mga tao upang magpasya sa kanilang mga usapin, napagtanto na ni Debora ang paghihirap ng kanyang mga kababayan at ang kanilang kahandaan para lumaban tungo sa kalayaan. Malinaw din  kay Debora na kalooban ng Diyos na mapalaya ang Israel. 
Pangalawa, dahil si Debora ay nakababad sa kalagayan ng mamamayan, alam niya ang kalakasan ng kanyang mga kababayan. Siya ang nagsabi kay Barak na pumili ng sampung libong kawal. At malinaw niyang ipinahayag na sila ay magtatagumpay. 
Ikatlo, buong-buo ang kahandaan ni Debora para sa pakikibaka. Nang sinagot siya ni Barak ng pupunta lamang siya sa pakikipaglaban kung kasama si Debora, may kasiguruhan ang tugon ni Debora, “Kung gayon, sasama ako, ngunit wala kang makukuhang karangalan sapagkat si Sisera ay ibibigay ni Yahweh sa kamay ng isang babae.” (4, 9) Ang pangitain ni Debora ang unang hakbang tungo sa pagbabago at pagpapalaya ng bayan.

Ang Pilipinas ang may pinakamabilis na lumalaking ekonomya sa Asya. Pero, Bakit 3 sa bawat 10 Pilipino ang walang trabaho? Bakit 3 sa bawat 10 Pilipino ang nabubuhay ng “below poverty line”? Bakit ang nadagdagan na naman ng isang milyong ang dami ng pamilyang nagugutom? Bakit pito pa rin sa bawat 10 magsasaka sa ating bansa ay walang sariling lupa?

Dahil ba ang 60% ng kita ng bansa ay napupunta sa 16% ng pamilyang Pilipino samantalang ang natititing 40% ay pinaghahatian ng walumpu’t apat na porsyento?
Dahil ba ang kaban ng bayan ay kinukurakot ng mga nasa katungkulan at pati ang pera para sa mga disaster na dulot ng lindol at bagyo tulad ni Yolanda?
Dahil ba mga dambuhalang dayuhang korporasyon ang nagpapasasa sa malawak na likas yaman ng Pilipinas na sa kanilang pagmamadaling ubusin ay nasisira nila ang kalikasan?

Tayong kababaihan ang mukha ng kahirapan.
Sa pagtaas sa kwarenta pesos ng presyo ng bigas, sa dagdag na P1.24 sa bawat kilowatt hour ng kuryente ngayong Nobyembre bumaba ng ating kakayahang pakainin ng sapat ang ating mga anak.
Ang demolisyon ng ating bahay ay kawalan ng silungan at proteksyon mula sa sakit para sa ating mga anak;
Ang kawalan ng panlipunang serbisyo tulad ng serbisyong pangkalusugan dahil sa napinpintong pribatisasyon ng mg ospital ng pamahalaan ay karagdagang pasanin sa ating balikat.

May bigat ring dulot ang patuloy na dumaraming insidente ng karahasan sa kababaihan o VAW.
There is the writing on the wall; may nasusulat sa pader at ito ay dapat nating bigyan ng pansin.

Walumpu’t walong porsyento sa ating kababaihang Filipino ay mula sa batayang sector ng magsasaka, manggagawa at panggitnang uri. Ni katiting ay hindi nila nadama ang sinasabing pag-unlad na ito sa ekonomya ng ating bansa. Sila ang nagbibigay tapang, tagtag at komitment sa mga organisasyon ng kababaihan tulad ng GABRIELA na pursigihin ang pagbabago ng lipunang Pilipino.

Ang kasunod ng bawat Pangitain ay – Pakikibaka
Ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Israel ay nakasulat sa libro ng Exodo, at ito ay nagumpisa sa isang pangitain kung saan nakita ng Diyos ang pagkaalipin ng Israel at Siya ay nahabag sa kanila. At ang pangitain ng Diyos ay nagbunga ng isang pakikibaka. Isang pakikibaka tungo sa pagpapalaya ng bayan ng Israel. 

Ganun din sa kwento ni Debora. Ang kasunod ng mga pangitain ay pakikibaka. Ang pagtanggi natin sa pakikibaka tungo sa pagpapalaya ay pagtanggi sa kalooban ng Diyos. Sa teksto, si Debora ang nanguna sa pakikibaka. “Sinabi ni Debora kay Barak, “Lusob! Ngayon ang araw na itinakda ni Yahweh upang gapiin mo si Sisera. Pangungunahan ka ni Yahweh.” (4, 14) Pinangunahan ni Debora ang pakikibaka ng bayang Israel. Subalit ang pakikibaka ay hindi lamang pang-kolektibo. Sa kuwento, may isa pang babae na hindi inaasahang maging bayani. Si Jael.  Kung si Debora ay lantaran na naging magiting na tigapanguna ng isang hukbo, si Jael ay matahimik at palihim na isinakatuparan ang layunin ni Debora na tapusin na ang pangaapi sa bayang Israel sa ilalim ni Sisera at Haring Jabin. 

Paano tinapos ni Jael ito? Nang nakatakas si Sisera,ang pinuno ng mga hukbo ni Haring Jabin, sa hukbo ni Barak at Debora, napadpad ito sa isang tolda kung saan nakatira ang isang babaeng nagngangalang Jael. Inimbitahan ni Jael na sumilong si Sisera sa kanyang tahanan, dahil magkaibigan ang hari nina Sisera at ang asawa ni Jael, pinainom niya ito ng gatas at saka pinatago ang pinuno ng hukbo sa likod ng tabing. Nang ito ay makatulog sa pagod, nang ito ay walang kamalay-malay, nang ito ay walang kalaban-laban, kumuha si Jael ng maso at tulos ng tolda, ipinukpok ang tulos sa noo ni Sisera hanggang bumaon ito sa lupa. Si Jael, isang babae, ang di inaasahang pumatay kay Sisera na naging hudyat ng pagtatapos ng pangaapi nila. Ang pakikibaka para sa pagpapalaya ng Israel ay inumpisahan ni Debora, at tinapos ni Jael. Isinasakatawan ni Sisera ang kalakasan at kalupitan ng kanyang bayan, at ang kanyang kamatayan ang tanging panukat sa tagumpay at kalayaan ng bayang Israel. Dalawang babae ang isinakatuparan ang pangitain sa pamamagitan ng pakikibaka ng  buong puso at pagkatao.

Walumpu’t walong porsyento sa ating kababaihang Filipino ay mula sa batayang sector – babaing magsasaka, manggagawa, maralitang lungsod, peti-burges. Ni katiting ay hindi nila nadama ang sinasabing pag-unlad sa ekonomya ng ating bansa.
Bawat araw ng kanilang buhay ay pakikibaka – upang makaraos ng isa pang araw. Buong tiyaga silang nagtatrabaho upang makamit ang isang simpleng pangarap — magkaroon ng trabaho’s makakain tatlong beses isang araw, magkaroon ng masisilungan, mapag-aral ang mga anak, magkaroon ng magandang kalusugan. Subali’t ang kanilang pasensya ay may hangganan…
Sa mga komunidad, kasama ang kababaihang nakikipagtulakan sa demolition team, nambabato kung kinakailangan;
Kabilang sila sa mga biktima ng Pablo na sumugod sa DSWD sa Davao upang kunin ang relief na matagal na sa kanilang ipinangako pero patuloy na ipinagkakait;
Sinugod rin nila ang NFA at DA sa Quezon City upang hamunin ang pamahalaang ibaba sa P25 kada kilo ang presyo ng bigas
Marami-rami na rin ang sumunod sa yapak ni Gabriela Silang, Teresa Magbanua, Salud Algabre, Lorena Barros. Sila ay nag-armas upang makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya.

Walumpu’t walong porsyento sa ating kababaihang Filipino ay mula sa batayang sector . Sila ang nagbibigay tapang, tagtag at komitment sa mga organisasyon ng kababaihan tulad ng GABRIELA upang pursigihin ang pagbabago ng lipunang Pilipino.

Pagdiriwang. 
Ang sumunod na kabanata sa ating teksto ay isang pagdiriwang dahil sa mga ginawa ng hukbo ng bayang Israel, ang namuno sa digmaan na si Barak, at ang dalawang babae na sina Debora at Jael. At nararapat lamang na alalahanin natin sila sa ating pagdiriwang ngayon. Ang bawat pagdiriwang ay karugtong lamang ng pagdiriwang ng mga nauna. Ang bawat tagumpay na ating nararanasan ay bunga din ng tagumpay na pinangunahan ng iba. Ang bawat kalayaan ay iniluluwal na may dugo at pawis ng mga nauna, at napapangalagaan lamang kung magpapatuloy ang pangitain at pakikibaka ng mga babaeng katulad ni Jael at Debora. Hayaan ninyo ako tumula sa ating pagpaparangal sa kanila –

Tinawag si Debora na ina ng Bayang Israel,
Isa din siyang hukom at tinawag din siyang propeta.
Isa siyang mandirigma na di natakot sa dugo at kamatayan,
Walang pagdadamot, buong buhay ang inalay sa kapwa at bayan.

Si Jael na inilarawan na isang asawa lamang.
May pangitain at tapang na hindi inaasahan.
Buo ang loob at matahimik na tinapos ang digmaan.
Pinatay si Sisera, ang kalayaan ng Israel ay ipinagdiwang.

Ang diwa ng mga babaing nagsakripisyo’t nagbuwis ng kanilang buhay upang para marating natin ang ating kinalalagyan ngayon ay nasa ating gitna ng ating pagdiriwang at pagtitipon ngayon. Ang kanilang matibay na paniniwalang makakamit rin natin ang isang magandang umaga kung saan walang umaalipin at nagpapaalipin, kung saan ang pagkapantay-pantay ay umiiral sa araw-araw na buhay ang ilaw na nagbibigay liwanag sa ating landas tungo pagbabago.

The writing is on the wall, may nasusulat na sa pader. May malaking pagbabagong nagyayari. Mabubuo ang basag na mundo. Maging bahagi tayo ng pagbabago na ito. Sama-sama nating tahakin ang landas tungo sa magandang bukas.
Kung saan may lupa ang lahat ng magsasaka
May industriyang Pilipino na nagbibigay trabaho sa lahat ng Pilipino
May pagkain para sa lahat ng nagugutom
May bahay para sa lahat ng walang masilungan
May pagkakapantay-pantay maski sa pagitan ng babae at lalaki
At may kapayapaan dahil may hustisya

Halina, ipagdiwang natin ang pagdatal ng langit na ito dito sa lupa.

Ni Gertrudes Libang at Lizette Tapia-Raquel

20131112-175040.jpg

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s