Uncategorized

Buhay na Pananampalataya Tungo sa Bayang Mapayapa

(Ito ay bahagi ng liturhiya sa NCCP Easter Sunrise Service, March 27, 2016)

Purihin ang Diyos!

Sa tamang panahon, si Hesus ay nakipamuhay sa atin.

Ipinanganak sa abang kalagayan, naging saksi at kabahagi siya ng mga aba at nangangailangan.

Nakigalak sa mga nagagalak, at tumangis kasabay ng mga tumatangis; pinagaling ang mga may karamdaman; binigyan ng kapatawaran ang mga makasalanan; kinalaban ang mga mayaman at makapangyarihan; pilit na inabot ang mga gutom at nagugulumihanan; ipinagtanggol ang mga inaapi at itinaas ang maliliit na siyang ikinagalit ng mga malakas at mapang-api.

Ipinako siya sa krus ng Imperio ng Roma at muling binuhay ng kanyang Ama.

Alleluia!
Ang Iglesia Bilang Ilaw at Asin. Sagutang Pagbasa

Tayo ay nagsasamasama sa ating nagkakaisang hangad para sa bayang mapayapa. Sapagkat tayo ay sumasamba at naglilingkod sa Diyos na naghahangad ng bayang mapayapa. Tayo ay magpalalim sa ating katungkulan bilang asin at ilaw para sa sambayanan.
May asin sa luha ng batang umiiyak sa gutom

May asin sa dagat na pinangingisdaan ng bangus at galunggong

May asin din sa mga lamang dagat tulad ng talaba at tahong

May asin na galing sa dagat na inaani sa tamang panahon
May ilaw na tila sumisikat tuwing tayo’y gumigising sa umaga

May ilaw na pakindat-kindat sa maliit o malaking kandila

May ilaw sa ngiti ng isang binatang may pag-asa

May ilaw na sumisilip kahit sa pinakamadilim na selda
Ang asin ay hindi isang handog sa Diyos sa isang magarang altar

Hindi rin kailangan ang kandila sa templong puno na ng kumikinang na mga ilaw

Ang asin ay nilulusaw hanggang wala nang matirang butil

Ang ilaw ay nagliliwanag lamang kung ang kapaligiran ay naninimdim
Tayo nga ba ay ilaw? Tayo nga ba ay asin?

Kung sa gitna ng kapighatian, tayo ay sa iglesia nakalilim.

Ang tunay na ilaw, ang tunay na asin

Handang malusaw sa bagyo at magbigay ilaw sa panahong pinakamadilim

Kapahayagan ng Pananampalataya 

Naniniwala kami sa Diyos. Siya ay pag-ibig at siya ang lumikha ng daigdig at patuloy na lumilikha at kumikilos upang ang bawat nilikha ay may dignidad at buhay
Hindi kami makapaniwala sa karapatan ng mga mayayaman at malalakas na maghari at magkamal ng yaman, habang ang mas nakararami ay nagdurusa at naghihirap.
Naniniwala kami kay Hesukristo na pumarito upang pagalingin at palayain tayo sa lahat ng anyo ng pang-aapi. Siya na Diyos ay nagkatawang tao upang makiisa, makipaglakbay at maging huwaran sa pagtugon sa sangkatauhan, lalo na para sa mga pinaka-nangangailangan.

Hindi kami makapaniwala sa Hesus na hindi nagpapatawad, humuhusga at wawasak sa hindi nananampalataya sa kanya. Si Kristo ay pilit na inabot ang mga pinaka-api na itinutulak papalayo ng mga nasa sentro. Ipinangaral niya ang Kaharian ng Diyos at ang pagkiling nito sa pinakamahirap na salungat sa Imperio ng Roma.
Naniniwala kami sa Banal na Espiritu na kumikilos sa mga tao na naghahangad ng katotohanan, kalayaan, at tunay na kapayapaan para mga bayan at sa sangkatauhan.

Hindi kami makapaniwala sa katuwiran na kabahagi sa plano ng Diyos ang kahirapan, pagkagutom, diskriminasyon, digma, globalisasyon, konsumerismo, at pundamentalistang paniniwala. Ang Banal na Espiritu na siyang na kay Kristo sa kanyang bautismo ay siya ring Banal na Espiritu na sumasaatin sa tuwing kumikilos tayo para sa kabutihan at kabuuan ng lahat.
Naniniwala kami sa pamayanan ng mananampalataya na tinawag upang ipahayag ang pag-ibig ng Diyos at naglilingkod sa lahat ng tao at sa sangnilikha.

Hindi kami makapaniwala sa lahat ng bagay na pinag-uugatan ng pagkakahati: rasismo, uri o lipi, kasarian, kulay ng balat, at iba pang puwersang naghahati. Ang pamayanan ng mananampalataya ay kabahagi, kamanlalakbay, at kakampi ng mga pinaka-api at pinaka-nangangailangan sa Diyos.
Sumasamplataya kami sa pamamayani ng Diyos, sa pangakong Emmanuel ni Jesus at sa tuluyang pagkagapi sa puwersa ng kasamaan.
Panalangin Tungo sa Bayang Malaya
Kababaihan

O Dios na nilikha ang kababaihan na kawangis ng Diyos, wakasan mo ang karahasan sa aming mga tahanan, simbahan at mga pamayanan. 

Nawa ay tumigil na ang pang-aalipin sa amin hindi lamang sa ibang bayan kung saan kami ay nagtatrabaho, kungdi pati na rin sa ating sariling bayan. 

Nawa ang bawat isa ay hindi na makararanas ng pangaabusong sekswal at iba’t ibang porma ng diskriminasyon. 

Nawa ang bawat babae ay magkaroon ng mga oportunidad at karapatan na karapatdapat sa kanila bilang mga mamamayan ng bayan at anak ng Diyos.
Kapulungan

Turuan mo ang aming mga iglesiya na pakinggan at kampihan ang mga kababaihan na umiiyak at pumipiglas sa mga sistema at mga relasyon na niyuyurakan ang kanilang dignidad. 

Bigyan mo kami ng karunungan at kalakasan na bigyang pagpapahalaga ang kontribusyon ng mga babae sa aming mga tahanan, simbahan at mga pamayanan. 

At nawa, O Diyos, gabayan mo kami sa aming pakikibahagi sa ganap na kalayaan ng mga kababaihan tungo sa kanilang pansariling kabuuan at sa kapayapaan sa aming bayan.
Kabataan at Mga Bata

O Diyos, napakaraming mga bata at kabataan ang lumalaki ng walang pagkalinga ng kanilang mga magulang na napilitang mangibang-bayan; na walang oportunidad makapag-aral at mapabuti ang kanilang kalagayan dahil sa matinding kahirapan; na nakararanas ng kawalan ng tunay na pagtingin ng mga nasa gobyerno at ng karahasan sa mga kalye, kagutuman araw-araw at kawalan ng dignidad sa aming mga murang edad. 

Kahit bata at kabataan ay ginagamit sa prostitusyon, nalululong sa droga at ginagawa tigapagbenta ng mg ilegal na pangangalakal, napipilitang magtrabaho kahit sa murang edad na limang taon para lamang makakain ang kanilang mga pamilya.
Kapulungan

O Dios, paalalahanan mo ang aming mga iglesia na ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga bata. Nawa ang bawat isa ay lumaki sa mga mapag-arugang mga pamilya; makapag-aral at magkaroon ng karunungan upang maging kabahagi sa paglikha ng bayang tunay na malaya. 

Nawa ang bawat isa ay may sapat at tamang pagkain, pabahay, edukasyon, oportunidad at proteksyon sa anuman paglabag sa kanilang karapatan. 

Nawa ang aming mga simbahan ay maging mga santuwaryo na mapupuntahan ng lahat ng mga bata at kabataan sa kanilang mga pangangailangan at paninindigan.
Kalalakihan

O Diyos, bahagi kami ng mga kultura at sistema na kinokondisyon kami na magdomina, gumamit ng karahasan para maipakita ang aming awtoridad at kalakasan, at pagtakpan ang aming kahinaan at pagkatao upang mapanatili ang aming pangunguna sa pamilya, nga iglesia at pamayanan. 

Mayroon sa amin ang nadisiplina ng marahas, kung kaya’t kami din ay marahas. Mayroon sa amin na lumaki na bawal umiyak, maging malambot at magpakita ng kahinaan, kung kaya’t hindi na kami marunong maging mapagmahal ng hindi nanga-abuso. 

Nabibigatan kami sa aming mga responsibilidad at nababagabag sa hinaharap lalo na para sa aming mga pamilya.
Kapulungan

O Dios, turuan mo kami na bigyan ng respeto at pagpapahalaga ang lahat ng nilikha mo. Ang daigdig at ang mga ibang nilikha, ang mga kababaihan, kabataan at mga bata. 

Pandayin mo pa kami nang aming matutunan mas maging mapag-aruga at mapagpalaya. 

Kami sana ay makipaglakbay kasama ang lahat tungo sa mga institusyon at mga relasyon na may pagkakapantay-pantay, at isang bayan na tunay na payapa. 

At sa panahon na nahaharap kami sa karahasan mula sa mga may kapangyarihan, samahan ninyo kami sa aming pagtindig at pakikiisa kasama ang mga pinaka-aba at ang masa.
Lumad at mga Api

O Dios, na nakikinig at tumutugon sa mga tumatawag sa kanya, dinggin mo ang aming panaghoy para sa aming mga kapatid na Lumad. 

Ang aming mga lider, mga guro, mga estudyante at mga pamilya ay pinatay at patuloy na pinapatay. 

Ang aming mga paaralan ay pinamamahayan ng mga militar. 

At ang aming mga yutang kabilin, mga lupa ng aming mga ninuno ay kinakamkam ng mga kapitalista, nilalason at dinudurog ng kanilang mga kemikal at makinarya, at inihihiwalay sa amin na kanyang mga tigapagbantay. 

Isa lamang ang mga Lumad dito. Kasama namin ang mga magsasaka, manggagawa, migrante, at iba pang mga sektor na niyuyurakan ang mga karapatan.
Kapulungan

O Dios, bigyan mo kami ng karunungan at kalakasan sa aming paninindigan kasama ang mga Lumad para sa kanilang mga komunidad at lupang kinakamkam ng mga makapangyarihan, kasama ang iba pang mga sektor na nakararanas ng kahirapan.

Ipatamo mo sa amin na hindi kami puwedeng manahimik sa harap ng karahasan at kagahamanan. 

Ipatamo mo sa amin na ang pagmimina sa kanilang lupa ay panggagahasa sa Inang Kalikasan; ang patuloy na paglawak ng mga mono-crop plantations ay paglason sa lupa na hindi na mapapakinabangan ng ordinaryong magsasaka; at ang pananakot at pangaalipin sa mga Lumad ay pagyurak sa lahat ng mamamayan. 

Ang mga Lumad at kami ay iisa. 

Ang kanilang komunidad ay bahagi ng ating bayan. 

O Dios, kami sana ay iyong samahan sa aming pakikipagkapwa at pagtatanggol sa mga pinaka-nangangailangan sa Iyo.
Kapahayagan ng Pag-asa

Ang Dios, noon at ngayon, ay nakikinig, nakatitig, at nakikibahagi sa ating mga pag-iyak at pagkilos. Huwag tayong mawalan ng pag-asa dahil sa tuwing tayo ang nagkakasama-sama at tuwing tayo ay nakikipaglakbay kasama ang mga pinaka-nangangailangan sa kanya, Siya ay kasama natin.

  

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s